Ang Basilika ng Birhen ng Guadalupe (Kastila: Basílica de Nuestra Señora de Guadalupe) ay isang simbahang Katoliko Romano at Pambansang Dambana ng Mexico sa hilaga ng Lungsod ng Mexico. Itinayo ang dambana malapit sa burol ng Tepeyac kung saan ang Birhen ng Guadalupe ay pinaniniwalaang nagpakita kay San Juan Diego Cuauhtlatoatzin. Kilala rin ang pook na ito bilang La Villa de Guadalupe o La Villa, dahil maraming itong mga simbahan at kaugnay na gusali.
Makikita sa bagong basilika ang orihinal na tilma o kapa ni Juan Diego na nagtataglay ng imahen ng Birhan ng Guadalupe. Isa ito sa pinakamahalagang pook na pinaglalakbayan sa Katolisismo. Dinadalaw ng milyon-milyon taon-taon ang dambana, lalo na tuwing Disyembre 12, na siyang kapistahan ng Birhen ng Guadalupe.